PAG-IBIG

BALIKAN ANG IBANG MGA TULA

ANG BUHAY NG TAO        ISANG PUNUNGKAHOY        PUSO, ANO KA?        MANGGAGAWA        ANG TREN

PAG-IBIG

Jose Corazon De Jesus

Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!
Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,
tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;
pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo. . .  naglalaho,
layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.


Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,
parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
at ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.


Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.

Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.


Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,
tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan
iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!


Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.


Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.

Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag,
ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak.
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,
o wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!


“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”

Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay
minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.

Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid.
Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,
at ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!


~



ETIKA

Kadalasa’y akala natin madali lang umibig. Hindi natin iniisip kung ano ang mga maaari natin kaharapin. Kapag sinambit na ang mga salitang “mahal kita,” kaagad tayong sumusugal sa sinisinta. Pero ang tanong, alam mo nga ba talaga ang kahulugan ng mga salitang ito?Hindi ito parang isang pagkain na kapag hindi mo na kayang isubo, ay isusuka mo na. Ang tulang ito ang nagpapatunay na kapag nagmahal ka,dapat handa ka. Hindi lang sa kasiyahan na matatamo mo, kundi sa iba’t ibang pagsubok na kakaharapin mo, at ninyo. Kapag kayo’y umibig, hahamakin ninyo ang panganib. Ang mga umiibig ay para lang sa mga matatapang dahil hindi mo malalasap ang tunay na pag-ibig kung kayo’y naduduwag. Dahil ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos.


~


KAISIPAN

Ang kaisipan na ipinapahayag ng manunulat sa tulang ito ay kung paano magmahal, at kung ano ang mga iba’t ibang karanasan na maaari mong kaharapin sa loob ng inyong pagmamahalan. Mababasa sa tula na ito kung paano inihalintulad ng manunulat ang pag-ibig sa mata, panganib, bulag, alab, agos, atbp. Sinasabi rito na kapag ang pag-ibig ay duwag ito’y walang agos, payapa, walang talon, walang baha, at walang luha. Ibig sabihin lamang nito, kung hindi ninyo kinokompronta ang isa’t isa, o hindi kayo nagiging totoo sa isa’t isa,kayo’y walang pag-aawayan.Ngunit mauuwi ito sa hindi pagkakakilanlan. Pangalawa, ang pag-ibig na matapang ay inaanod pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog. Dahil ang tunay na pagmahahal ay hindi nagtatago, hindi kinukunsinti ang kamalian, at sa huli, ipaglalaban pa rin ang pagmamahalan. Hindi mo basta isusuka ang minamahal mo kapag nagkaproblema na, dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi umuurong sa sakuna at panganib, bagkus ay lumalaban. Pinapatunayan lang ng tulang ito na hindi mo kalaban ang minamahal mo, dapat ang nilalabanan niyo ay ang mga sakunang pinagdaraanan ninyo.


~



MENSAHE

Para sa mga kabataan na nais pumasok kaagad sa relasyon, alalahanin na hindi ito puro kilig o kasiyahan lamang. Mahaharap kayo sa iba’t ibang mga pagsubok na susubukin ang inyong pagmamahal sa isa’t isa. Para sa mga nagmamahal, isang malaking desisyon ang gagawin ninyo.Kaya kung pinili mong magmahal,pinili mo na rin masaktan. Dahil ang sakit ay kakambal ng pag-ibig. Pero kung pipiliin ninyo maging matapang, malalagpasan ninyo anuman ang baha, o agos na darating sa inyong relasyon.


ALLAN VALENCIA




Anong masasabi mo sa tulang ito?


Comments

Popular posts from this blog