ANG BUHAY NG TAO

BALIKAN ANG IBANG MGA TULA

PAG-IBIG        ISANG PUNUNGKAHOY        PUSO, ANO KA?        MANGGAGAWA        ANG TREN


ANG BUHAY NG TAO

Jose Corazon De Jesus

Inakay na munting naligaw sa gubat,

ang hinahanap ko’y ang sariling pugad;

ang dating pugad ko noong mapagmalas

nang uupan ko na ang laman ay ahas.


Oh! ganito pala itong Daigdigan,

marami ang sama kaysa kabutihan;

kung hahanapin mo ang iyong kaaway,

huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.


Ako’y parang bato na ibinalibag,

ang buong akala’y sa langit aakyat;

nang sa himpapawid ako’y mapataas,

ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.


Mahirap nga pala ang gawang mabuhay,

sarili mong bigat ay paninimbangan,

kung ikaw’y mabuti’y kinaiinggitan,

kung ikaw’y masama’y kinapopootan.


At gaya ng isdang malaya sa turing

ang langit at lupa’y nainggit sa akin;

subalit sa isang mumo lang ng kanin,

ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain.


At sa pagkabigo’y nag-aral na akong

mangilag sa mga patibong sa mundo;

kahit sa pagtulog, huwag pasiguro’t

bangungot mo’y siyang papatay sa iyo.


Ang buhay ng tao ay parang kandila

habang umiikli’y nanatak ang luha;

buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda,

ang luksang libinga’y laging nakahanda.


Ang palad ay parang turumpong mabilog,

lupa’y hinuhukay sa ininug-inog;

subalit kung di ka babago ng kilos,

sa hinukayan mo’y doon mahuhulog.


~


ETIKA

Ang buhay ng tao ay maaaring isang matagal o maikling panahon. Sa ating sariling mga mata nakikita natin ang pag daloy ng buhay, ngunit hindi natin gaanong napapansin. Sa ating kasalukuyang panahon ang pagpapakita nito sa larangan ng etika ay mapapansin sa mga aksyon ng mga tao. Ang importansya o kapankinabang ng tula na ito ay pinaparamdam ng may akda sa pamamaraan ng kanyang pagsulat o salitang ginamit. Na kung saan inilathala nito ang kabuhayan ng isang tao, at sa paningin niya sa kanyang naging buhay sa dulo. Katulad ng mga salitang pinapakita, ang buhay ng tao ay simple ngunit puno ng pagsubok. Masdan na lamang ang ating paligid, makikita natin sa mismong mga malapit sa ating buhay ang pinupunto o ideya ng mismong tula na ito. Ang kabutihan at ang kasamaan ng mga tao.

~

KAISIPAN

Sa pangatlong saknong ibinangit ang mga salitang “Ako’y parang bato na ibinalibag, ang buong akala’y sa langit aakyat”. Hindi ba na ito ay isang magandang representasyon sa ating buhay. Marami tayong kabutihan na naipapakita sa ating sarili, kapwa natin, at sa mga taong nalalapit sa atin, ngunit hindi natin nakikita ang mga kamalian, kamalasan at mga hinanakit na napramamdam natin sa ibang tao. Na napupunta tayo sa sitwasyon na nakikita natin ang ating mga kabutihan ngunit hindi natin napapansin ang ating mga mali. Ngunit, hindi naman ito mga bagay na makikita nating mali, gaya nga ng kasabihan “Tao Lamang Tayo”. Pinapakita sa kaisipan ng tula na ito, na tayo nga ay tao. Nagkakamali, nakakapanakit, ngunit nakakagawa ng mabuti.

~

MENSAHE

Ipanapakita dito na hindi simple ang pagiging tao, dahil sa mga paghihirap na ating nadadaanan. Dahil sa ating pagkatao nagagawa natin ang mga bagay na ninanais natin, at dahil dito nagagawa rin natin ang mga bagay na hindi natin maaasahan na nakakasakit ng ibang tao. Katulad nga ng pinapakita sa tula, may mga taong nasa paligid natin na aakalin nating kaibigan ngunit sila pala ang mga taong di natin mapagkakatiwalaan. 

Ang isa pang mensahe na napapakita sa tula na ito ay ang pagiging kunteto sa kung anong meron tayo. Dahil sa kadihalanan na patuloy nating kinukumpara sa iba ang mga estado natin sa buhay. Tinitignan natin sa iba ang mga bagay na meron sila at minsan ay iniisip natin kung mas angat ba tayo sa kanila. Pagiging kunteto ang isang hakbang upang makita ang pagbabago sa ating mga sarili.


GILBERT YADAO



Anong masasabi mo sa tulang ito?

Comments