BALIKAN ANG IBANG MGA TULA
ANG TREN
Jose Corazon De Jesus
Tila ahas na nagmula
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara’y
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay,
sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.
O, kung gabi’t masalubong
ang mata ay nag-aapoy
ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol
at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina,
may baras na nasa r’weda,
sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada,
tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina.
“Kailan ka magbabalik?”
“Hanggang sa hapon ng Martes.”
At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig,
sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.
~
ETIKA
Maaari nating maiugnay ang kaisipan at mensahe ng tulang ito sa kasalukuyang panahon lalo na ngayon sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19. Dahil sa sakit na kumakalat na ito, maraming tao hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang bahagi ng mundo ang namatay, namatayan, at nagkasakit. Marami agad ang nawawalan ng gana na mabuhay dahil ang akala nila ay wala na silang saysay dahil nga sa sakit na ito o dahil sa nawalan sila ng mahal sa buhay. Ang sakit na kumakalat ngayon ay talaga namang isang nakakalungkot na pangyayari ngunit sa kabila nito, kailangan parin nating ipagpatuloy ang buhay. Hindi natin kailangang sumuko agad kahit na ano pa ang ang hinaharap sa buhay. Kailangan nating lumaban at maging matatag hindi lamang para sa ating sarili kundi para na rin sa ibang tao at sa lipunang kinabibilangan natin. Isipin nalang natin ang mga frontliners na ginagawa ang kanilang trabaho upang matulungan tayo upang mapahaba pa ang paglalakbay natin sa buhay. Hindi naman tama na sila lang ang lumalaban para sa atin dahil sa huli, tayo parin ang kailangang humarap sa sarili nating laban sa buhay. Kailangan natin makita ang kagandahan ng buhay na sa kabila ng kalungkutan, mayroon at mayroong kabutihan at magagandang bagay na mangyayari sa tamang panahon.
~
KAISIPAN
Ang kaisipan na ipinahihiwatig ng tula ay ang patuloy na paglalakbay sa buhay ng isang tao na inihalintulad sa isang tren. Ang buhay ng tao ay katulad ng tren na may simula at may destinasyon o patutunguhan. Isinasalaysay rito na ang buhay ay patuloy lamang sa paggalaw sa kabila ng lahat ng nangyayari sa kapaligiran o sa lahat ng dinadala natin sa ating buhay na sinisimbolo naman ng bagon. Maaaring ang bagon na ito ay nagtataglay ng masasaya o malulungkot na pangyayari dahil sa huli, dala-dala parin natin ito sa ating paroroonan. Ang tren rin ay sumisimbolo sa pag-alis at pagdating ng tao o bagay sa ating buhay na kahit sa gitna ng daan ay may mga aalis at darating sa atin at magiging parte na ng bagon o ating buhay.
~
MENSAHE
Ang pangunahing mensahe ng tula ay ang ipagpatuloy ang paglalakbay sa buhay kahit ano may ang harapin o pagdaanan natin. Kayang-kaya naman nating lampasan kahit na anumang pagsubok o hamon ang ating haharapin. Hindi tayo dapat huminto sa pagpunta sa ating paroroonan o sa pagkamit ng ating mga pangarap sa buhay. Tayo lang ang nagpapagalaw sa sarili nating buhay. Tayo lang ang may kakayahan na magdikta ng ating mga kilos at ang landas na ating tatahakin. Hindi tayo maaaring kontrolin ng iba dahil iba iba ang landas na nakalaan sa ating buhay. Nasa atin ang desisyon kung tatahakin ba natin ang mali at baluktot na daan o ang tama at deretsong daan.
Ang pag-alis at pagdating ng mga tao o bagay sa ating buhay ay normal lang. Hindi lahat ng tao ay nandiyan para sayo dahil may sarili rin silang laban at landas na tinatahak. Ang pagtahak sa buhay ay talaga naming hindi madali. Maaari tayong masira sa gitna ng daan at maaari tayong mawalan ng lakas dahil sa layo ng ating paroroonan ngunit hindi tayo dapat kaagad sumuko. Kailangan lamang natin buuin at ayusin ang nasirang makina at hayaan natin na tayo ay gumaling at maging mas matibay bilang tao. Sa bawat pagkabigo ay kailangan natin bumangon at gamitin ang pagkabigong iyon sa pagpaunlad sa ating mga sarili. Ang bawat tao ay may landas na dapat tahakin kaya’t huwag natin itong sayangin at putulin.
ANGELO CRUZ
Anong masasabi mo sa tulang ito?
Comments
Post a Comment