MANGGAGAWA

BALIKAN ANG IBANG MGA TULA

PAG-IBIG        ISANG PUNUNGKAHOY        PUSO, ANO KA?        ANG BUHAY NG TAO        ANG TREN


MANGGAGAWA

Jose Corazon De Jesus

Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.


Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi a lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon'y nagyayabang.


Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamau mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.


Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan...
Bawat patak ng pawis mo'y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.


Mabuhay ka nng buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.


~


ETIKA

Ang pagiging manggagawa ay isang marangal at mahalagang aspeto ng santinakpan. Sa tulang ito ay binibigyang pugay ang lahat ng uri ng mga manggagawa sa mundo. Sila ang nagpapagaan sa buhay ng bawat tao sa kanilang nasasakupan. Tuwing mayroong problema, kailangan gawin o solusyonan, sila ang takbuhan–isa’t isa ang inaasahan. Bawat nilalang sa mundo ay pawang mga manggagawa sa iba’t ibang uri ng propesyon na naglalayong makapagbigay serbisyo at makatulong sa kapwa tao. Sinasalamin sa tulang ito ang kabuluhan at kadakilaan ng bawat manggagawa, at kung bakit nararapat lamang na sila ay pasalamatan dahil sila ang may pinakamalaking kontribusyon sa buong sanlibutan.


~


KAISIPAN

Ang tulang ito ay isang literal na paglalarawan sa sakripisyo at serbisyo ng bawat manggagawa sa mundo, mula sa pagsilang hanggang sa walang hanggan. Binigyang diin ni Jose Corazon De Jesus ang kahalagahan ng pagsaludo sa bawat taong maaaring maihambing sa nasabing tula. Binanggit rito ang bawat hakbang at proseso o hirap na pinagdadaanan ng isang marangal na manggagawa.


~

MENSAHE

Gawin nating inspirasyon ang mga manggagawa sa ating paligid upang magpatuloy sa ating pag-aaral, pagsisikap at pagbibigay tulong sa bawat isa. Maging marangal tayo, mapagkumbaba at matutong magpasalamat maliit man o malaking bagay ang ginawa para sa atin. Pahalagahan natin ang bawat at pagiging isang manggagawa. Ang kabuluhan nito ay habang buhay na mananatili sa mundong ibabaw.


LIAM MARIE DE LEON





Anong masasabi mo sa tulang ito?

Comments

  1. Napakaganda ng mensahe nitong tula lalo na sa panahon ngayon.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog